Dalawa ang patay, kabilang ang isang menor de edad, matapos sumalpok sa kasalubong na truck ang sinasakyan nilang tricycle sa Valladolid, Negros Occidental.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing biyaheng Bacolod City sana ang tricycle para mag-deliver ng isda nang mangyari ang insidente.
Bigla raw silang nag-counterflow ang tricycle kaya bumangga sa kasalubong na truck.
Ayon sa pulisya, parehong matulin ang takbo ng dalawang sasakyan.
Sa lakas ng banggaan, halos magkalasog-lasog ang tricycle at natanggal pa ang gulong nito.
Nayupi naman ang unahang bahagi ng truck.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang mga sakay ng tricycle.
Nakipag-areglo naman ang pamilya ng mga biktima sa driver ng truck. --FRJ, GMA News
