Bumagsak ang isang bahagi ng kisame ng isang mall sa Pampanga, tumaob ang isang eroplano sa Pasay, at umulan ng yelo sa Bukidnon dahil sa magkakahiwalay na insidente ng pagsungit ng panahon.

Ayon sa ulat sa Balitanghali Weekend nitong Sabado, bumaliktad ang isang eroplano sa runway ng Manila Domestic Terminal sa Pasay sa gitna ng malakas na hangin.

Ayon sa air mechanic, nakaparada at kinukumpuni nila sa hangar ang Cessna aircraft nang biglang sumama ang panahon. Sa lakas ng hangin,natanggal sa pagkakatali ang eroplano at tumaob.

Natumba rin ng malakas na hangin ang airsteps ng Air Asia na nasa NAIA Terminal 4 tarmac.

Pasado ala-1 kahapon nang mag-abiso ang MIAA na itigil muna ng ground crew ang kanilang operasyon, kasunod ng red lightning alert na inilabas ng PAGASA.

Halos isang oras na nanatili sa loob ng mga  eroplano ang mga pasahero.

Kisame sa Pampanga

Bumagsak naman ang isang bahagi ng kisame ng isang mall sa Pampanga dahil sa malakas na pag-ulan.

Dahil dito, tumagas ang tubig at dumiretso sa unang palapag ng gusali. Wala namang napaulat na nasaktan sa insidente.

Ayon sa pamunuan ng mall,  nagsasagawa sila ng maintenance.

Sisimulan daw agad ang pagkukumpuni sa kisame oras na bumuti ang panahon.

Hailstorm, brownout

Brownout naman ang naging kalbaryo ng ilang taga-Cebu city.

Nawalan ng kuryente ang Barangay Duljo Fatima sa kasagsagan ng mga pagkidlat.

May dalawang poste ng kuryente ring nakidlatan sa lugar.

Sa Bukidnon naman,umulan ng yelo. Ayon sa isang residente, pasado alas-4 kahapon nang umulan at humangin nang malakas.

Kasunod niyan, napansin na lang daw nilang bumabagsak na rin ang mga yelo na kasing laki ng mga butil ng mais.

Wala namang nasaktan sa insidente.

May classroom namang napinsala ng masamang panahon sa Arakan, Cotabato.

Ayon sa mga guro, nagliparan ang bubong at mga dingding ng silid aralan, na gawa lang sa light materials.

Basang-basa tuloy ang lahat ng libro at iba pang reading materials.

Nananawagan ng tulong ang Datu Mantangkil High School para maisaayos ang classroom at mabigyan ng bagong gamit ang mga estudyante. — MDM, GMA News