Tumilapon ang mga sakay ng isang tricycle at halos mapipi naman ang isang kotse nang mabangga sila ng isang humaharurot na pickup truck sa Tuguegarao, Cagayan.  Sa kabila ng lakas ng pagbangga, nabali pa ang isang poste ng kuryente.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes,  makikita ang mabilis na pagdating ng pickup sa Arellano Street, na minamaneho ni Dionisio Enciso.

Una niyang binangga ang sinusundang tricycle na tumilapon ang mga sakay sa kalsada. Nagdire-diretso pa ang pickup at nabangga ang isang kotse na nakaparada sa paanan ng poste ng kuryente.

Kaagad namang sumaklolo ang mga residente sa mga biktima.

"Iyong puting sasakyan, sobra po siyang mabilis na magpatakbo. nawalan na yata ng kontrol. Iyong red na sasakyan, yuping-yupi. parang naging one half yata o one fourth ang hitsura niya that time. And then, sa lakas po ng impact, nabali pa iyong sementong poste ng kuryente," kuwento ni Janet de Claro na nakasaksi sa insidente.

Ang driver naman ng pickup na si Enciso, ligtas pero tila nagulantang sa nangyari at nanatili lang sa driver’s seat.

Mechanical problem o driver’s error ang sinisilip ng Tuguegarao police sa imbestigasyon nila sa ugat ng disgrasya.

"Biglang nag-accelerate iyong makina niya, kaya ang ginagawa po namin ngayon, nag-aano kami ng mekaniko para po ma-check iyong sasakyan. Hindi na raw po niya ma-kontrol noong nag-accelerate iyong makina niya," ayon kay Police Lieutenant Colonel Geoge Cablarda, hepe ng Tuguegarao City police.

Inihayag din umano ng driver na hindi pa siya masyadong marunong sa automatic transmission na sasakyan at dalawang buwan pa lang daw itong nakalalabas.

Ligtas na raw ang mga biktima kabilang ang dalawang estudyante na sakay ng tricycle.

Nagkaroon na rin daw ng kasunduan sa mga biktima at nakadisgrasyang driver. -- FRJ, GMA News