Kalunos-lunos ang sinapit ng isang lalaking nasagasaan ng bus sa Nabua, Camarines Sur, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sa tindi ng tinamong pinsala, dead on the spot ang biktima. Bakas pa sa kalsada ang dugo ng biktima.

Base sa inisyal na imbestigasyon, tumatawid ng highway ang biktima nang masagasaan siya. Imbis na huminto, nagdire-diretso lang ang bus.

Ilang residente naman ang nakakita sa plaka ng bus at naitimbre ito sa mga pulis.

Naharang ng mga awtoridad ang bus sa bayan ng Pili.

Paliwanag ng driver, binubusinahan na niya ang biktima pero nagpumilit daw itong tumawid. —KBK, GMA News