Arestado ang isang babaeng kasambahay na nag-amok umano sa bahay ng kanyang amo sa Mangaldan, Pangasinan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.
Naabutan pa ng mga pulis ang kasambahay na si Nora Domagas na hawak ang isang baril bagama't mapayapa naman siyang sumuko.
Bukod sa baril, nakuha rin sa kanya ang isa pang shotgun.
Kuwento niya, ipinagtanggol lang daw niya ang sarili dahil pinagbantaan daw siya ng amo na papatayin.
Ayon sa pulisya, hindi ito ang unang beses na nai-report sa kanila ang away ng mag-amo.
Sinubukang kuhanan ng gma news ng pahayag ang amo ni Domagas pero wala ito sa kanyang bahay. —KBK, GMA News
