Naudlot ang pagpapakawala sana sa isang Philippine eagle-owl sa may paanan ng Mount Banahaw sa Candelaria, Quezon pasado alas-singko ng hapon noong Huwebes dahil hindi pa kaya nitong lumipad dahil sa malaking sugat na tinamo nito mula sa posibleng pananaga noong nakaraang Agusto.

Nasagip ang sugatang eagle-owl noong August 18 ng umaga sa isang manukan sa Sitio Calamias sa bayan ng Candelaria.

Photo courtesy of Doc. Anthony Villar
Photo courtesy of Doc. Anthony Villar

Sa una, inakala ng isang tauhan ng poultry na native na manok lang ang nakita niya. Nang malaman nila na eagle-owl ito ay agad raw itong ginamot ng may-ari ng manukan.

Hinang-hina na raw ito at halos hindi makagalaw. Nakaligtas raw sa kamatayan ang ibon at noong ika-3 ng Setyembre ay nai-turn over ito sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Candelaria.

Dehydrated na raw ang eagle-owl ayon sa beterinaryong ng MENRO na sumuri dito. Ginamot at tinahi ng beterinaryo ang sugat ng ibon. 

Makalipas ang halos isang buwang gamutan ay nagpakita ng pagiging masigla ang ibon.

Magkahalong saya at lungkot ang nadama ni Zarina Luneta na siyang naka sagip sa Owl. Naiiyak pa ito  habang inilalabas na sa hawla ang Owl para pakawalan.

Kasama ang mga taga-DENR at LGU ng Candelaria ay papakawalan na sana ang ibon. Lahat ay excited sa pagpapalaya sa owl. Kinuha ito sa kulungan.

Nang bitawan ito at ihagis sa ere ay hindi lumipad ang Eagle Owl at bumagsak sa lupa.

Dali dali itong kinuha.

Ayon kay Dr. Anthony Chua Villar na isang beterinaryo, hindi pa raw talaga kaya ng owl na lumipad at bumalik sa kanyang natural na tahanan. Kailangan pa raw nito ng matagal na gamutan.

Sa ngayon, plano ng DENR na ilagay ito sa isang mas malaking pasilidad upang mas matutukan ang owl.

Vulnerable na ang Philippine eagle-owl, at kung hindi raw titigil ang mga tao sa paghuli at pagpatay sa mga ito ay posibleng hindi na ito maabutan ng mga susunod na henerasyon.

Ang Philippine eagle-owl ang pinaka malaking owl sa na makikita. Mahirap malaman kung ano kasarian nito base lang sa pisikal na anyo. Kailangan pa raw ipa-DNA ang Owl upang matukoy ang kasarian.

Ilan lamang ito sa maraming pambihirang katangian ng Philippine eagle-owl. —LBG, GMA News