Nasawi ang isang 74-anyos na lolo matapos siyang nabangga ng isang motorsiklo habang tumatawid sa kalsada sa Balagtas, Bulacan.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Rolando Lopez.

Sa kuha ng CCTV, makikitang bumagsak si Lopez nang mahagip ng motorsiklo.

Kaagad namang tumigil ang motosiklo at bumaba ang rider para tulungang ang biktima na madala sa ospital pero binawian din ng buhay.

Ayon sa mga taga-barangay, mabagal ang pagtawid ng matanda at
posibleng hindi raw napansin ng rider dahil mahina ang ilaw sa lugar.

Sinagot ng rider ang gastos sa ospital at pagpapalibing sa biktima kaya hindi na siya kakasuhan ng pamilya ng biktima.--FRJ, GMA News