Siyam katao ang patay sa banggaan ng bus at UV Express van sa Camarines Sur sa Bicol region nitong Huwebes.

Sa ulat ng Balitanghali, wasak ang van –natuklap ang bubong at gilid nito matapos ang banggaan.

Sa inisyal na imbestigasyon, lahat ng namatay kabilang ang driver, ay lulan ng van.

Nangyari ang banggaan sa Barangay San Vicente sa bayan ng Pamplona.

Ayon sa mga pulis, papunta ang van sa Naga City galing sa Camarines Sur, at ang bus naman ay papuntang Maynila.

Apat na pasahero ng bus ay nasugatan nang dahil sa insidente.

Agad namang sumuko sa mga awtoridad ang driver ng bus.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —LBG, GMA News