Patay ang isang babae matapos madaganan ng trailer truck nitong weekend sa Lipa, Batangas, ayon sa ulat ng Balitanghali nitong Lunes.
Nawalan umano ng preno ang truck habang tinatahak ang Star Tollway Exit sa JP Laurel Highway.
Batay sa imbestigasyon, kinabig pakanan ng driver ang manibela para umiwas sa mga sasakyan pero tumagilid ito at nabagsakan ang isang SUV kung saan sakay ang babae.
Tumagal ng halos 40 minuto bago naialis sa pagkakaipit ang biktima.
Naisugod pa sa ospital ang babae pero binawian din ng buhay.
Sugatan naman ang mga driver ng SUV at truck.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang truck driver.
Nangako siya at ang may-ari ng truck na tutulong sa gastusin sa pagpapalibing ng biktima. —KBK, GMA News
