Isang linggo nang nasa state of calamity ang lungsod ng San Pablo sa Laguna dahil sa limitadong suplay ng tubig doon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.
Ayon sa San Pablo City Water District, nasa kalahati na lang ng kailangang suplay na tubig ng lungsod ang naibibigay ng mga pinagkukunan nilang bukal.
Taong 2018 pa raw nagsimula ang pagbaba ng kanilang suplay ng tubig na pinalala pa ng El Niño.
Marami sa mga barangay tuloy ang kalahating araw na walang tubig, habang may isang barangay naman ang hindi maabot ng suplay dahil nasa mataas itong lugar.
Naglaan na ng pondo ang water district para lutasin ang problema.
Nagra-rasyon na rin sila ng tubig sa mga nangangailangang residente. —KBK, GMA News
