Patay ang isang matandang lalaki nang mabagsakan ng puno ng buli ang kaniyang bahay noong Martes ng umaga sa kasagsagan ng bagyong Tisoy sa Quezon province.
Nangyari ang insidente sa Barangay Dancalan Caimawan sa bayan ng Guinayangan. Kinilala ang biktima na si Nestor Pojado, 59-anyos.
Ayon sa lokal na awtoridad, maswerteng nakaligtas ang lalaking anak nito na may problema sa pagiisip.
Wasak na wasak ang bahay ng biktima, at ayon sa panganay na anak ng biktima na si Helen Pojado, kasama raw sana silang mababagsakan ng puno ng buli subalit lumikas sila ng mas maaga. Ilang ulit pa raw na kinumbinsi ng kanyang Ina ang kanyang ama na lumikas pero tumanggi ito.
Ayon sa Guiinayangan Municipal Police Station, pinalilikas na raw ng barangay officials ang mag-ama subalit tumanggi raw ang biktima.
Nagpahatid na umano ng tulong ang pamahalaang lokal ng Guinayangan sa pamilya ng biktima.
Ayon sa Municipal Mayor ng Guinayangan na si Cezar Isaac, agrikultura raw ang matinding naapektohan ng bagyong Tisoy. Sa pagtataya nito, aabot raw sa 10 milyong piso ang halaga ng pinsala. —LBG, GMA News

