Napatay ng mga pulis ang kanilang "kabaro" matapos umanong manlaban nang kanilang aarestuhin sa Bunawan, Agusan del Sur. Ang napatay na pulis, sinasabing namaril ng isa ring pulis.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang nasawing pulis na si Patrolman Jhon Paul Gerida. Tinugis siya ng mga kapwa niya awtoridad dahil sa pagbaril niya kay Police Lieutenant Colonel Rex Lomente.

Tinamaan ng bala sa noo si Lomento at patuloy na nagpapagaling sa ospital.

Pero nang aarestuhin umano si Gerida ng mga kapwa niya pulis sa Purok Singko, nanlaban daw ito kaya napatay sa engkuwentro.

Nakuha kay Gerida ang isang kalibre .45 na baril.

Ayon sa pulisya, binaril ni Gerida si Lomente matapos silang magkasagutan.  Pero hindi pa matukoy kung ano ang pinag-ugatan ng away ng dalawa. --FRJ, GMA News