Naaagnas na nang madiskubre sa kaniyang condo unit sa Angeles, Pampanga ang bangkay ng isang Koreana. Walang damit ang biktima at may mga saksak sa katawan.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabi ng mga awtoridad na nakitang nakasubsob sa banyo ang bangkay ng biktimang si Moonyang Lim.

Ang tinuturong may gawa ng krimen, ang kinakasama ng biktima na isang Koreano na may problema umano sa pag-iisip.

Naabutan ng mga awtoridad ang suspek sa loob ng condo unit pero itinatanggi niya ang paratang.

Pero ayon sa pulisya, walang ibang pumasok sa kanilang unit kundi ang suspek batay sa kuha ng CCTV.

Pinatungan pa raw ng mga kumot ang bangkay para hindi mangamoy.

Narekober sa crime scene ang kutsilyong puno ng dugo.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.--FRJ, GMA News