Isang mini mart ang tinarget ng tatlong holdaper sa Biñan, Laguna. Ang security guard ng tindahan, hindi basta-basta nagpasindak sa mga kawatan. 

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita ang pagdating mga salarin na nakatakip ang mukha at armado ng baril.

Kaagad na tinutukan ng isang salarin ang security guard, na sa halip na dumapa ay pilit na inagaw ang baril ng holdaper.

Nagpambuno ang dalawa sa baril pero napilitang tumakbo ang security guard nang sumaklolo na ang isa pang kasamahan ng holdaper.

Kasunod nito ay nilimas na ng mga holdaper ang kita ng mini mart at natangay ang libu-libong kita ng tindahan.

"May pulis na nag-conduct na patrol that time, siguro pinalampas lang o nagkataon lang na walang pulis saka naman sila nagkaroon ng robbery holdup sa isang store," paliwanag ni Police Colonel Danilo Mendoza, hepe ng Biñan City police.

Pag-amin ng pulisya, malaking hamon sa kanila ang pagresponde sa mga ganitong insidente dahil hindi raw kaagad nagsusumbong ang ibang biktima ng ganitong insidente.

Patuloy pa raw ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang mga salarin.-- FRJ, GMA News