Dalawang babae na edad walo at sampu na nangangaroling ang hinalay umano ng isang tricycle driver na nangakong magbibigay sa kanila ng pera at damit sa Bulacan.
Ayon sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nangangaroling ang mga biktima nang kumbinsihin sila ng tricycle driver na suspek na si Robin Loyd Cajara, na sumama sa kaniya.
Pahayag ng mga biktima, sinabihan umano sila ni Cajara na bibigyan ng pera, damit at pagkakainin sa bahay.
Nang pumayag, isinakay ng suspek ang dalawa sa tricycle at dinala sa isang bakanteng lote kung saan nangyari ang panghahalay.
Hindi na umano nakapanlaban ang mga biktima matapos takutin at saktan ng suspek.
Kaagad namang nadakip si Cajara matapos magsumbong ang dalawang bata sa kanilang mga magulang.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa reklamong statutory rape.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Orlando Castil Jr., hepe ng San Jose del Monte Police, na natukoy nila ang pagkakakilanlan ng suspek nang mamataan siya sa CCTV na kasama ang dalawang bata.
Bukod dito, mayroon ding mga nakasaksi na tinangay ni Cajara ang mga bata.
Tiyempo aniyang nasa lugar si Cajara nang dumating ang kapulisan at positibong ituro ng mga biktima.
Positibo ginahasa ang mga biktima matapos lumabas sa medico legal na nagtamo sila ng mga laceration, ayon kay Castil.
Sinabi pa ni Castil na in denial stage pa ang suspek sa kaniyang ginawa. Wala raw sa drug watchlist ang suspek.
Sasailalim naman sa counseling ang mga bata sa ilalim ng CSWD.—Jamil Santos/NB/FRJ, GMA News
