CEBU CITY - Patay ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Cebu City nitong Martes.
Nakilala ang mga biktima na sina Arnold Estenor Albano, 34, isang habal-habal driver, at Arnel Asentista Salandron, 31, tindero ng kakanin.
Sa spot report ng pulisya, sinasabing nagpapaskil lang si Albano ng tarpaulin ng kanilang organisasyon nang may isang lalaking hindi pa nakikilala na lumapit at bumaril sa kanya.
Nagtamo ng tama sa may kaliwang dibdib at sa bibig ang biktima.
Narekober sa crime scene ang tatlong fired cartridges cases at dalawang metal slug ng hinihinalang kalibre .45 na baril.
Nangyari ang pamamaril sa Barangay Basak, San Nicolas, Cebu City pasado alas 12:45 ng tanghali.
Sinasabing personal grudge ang motibo ng pagpaslang sa biktima.
Base sa panayam kay Margarita Albano, ina ng biktima, palakaibigan daw ang kanyang anak.
Hinala niya ay mistaken identity ang nangyari, o 'di kaya'y may nainggit sa kanyang anak.
Pakiusap niya sa mga awtoridad ay sana mapadali ang imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng kanyang anak.
Mahigit isang oras pagkatapos ng pamamaril kay Albano ay nabaril naman si Salandron.
Nangyari ang krimen pasado 2:30 ng hapon.
Ayon sa pulisya, naglalakad ang biktima at inilalako ang kanyang "masi" na kakanin nang sundan siya ng dalawang suspek na nakilalang sina Roberto Oliveros at Juros Entera na parehong taga-Sitio All Season, Barangay Cogon, Pardo, Cebu City.
Binaril umano ni Oliveros ang biktima nang dalawang beses habang nagsilbing lookout umano si Entera.
Nagtamo ng tama ng baril sa may kaliwang mata ang biktima.
Hindi pa tukoy kung anong klase ng baril ang ginamit ng mga suspek.
Dinukot din umano ng mga salarin ang pitaka ng biktima na may lamang perang nalikom niya sa pagbebenta ng kakanin.
Hinahanap na ng mga pulis ang dalawang suspek.
Sa panayam kay Daria Albores, kapatid ng biktima, sinabi nitong minsan na rin daw napagkamalang asset ng mga pulis si Salandron.
Hinala niyang may kinalaman ito sa kanyang pagpaslang.
Hiling niya ay sana tutukan ng pulisya ang pagdakip sa mga suspek. —KG, GMA News
