Hinuli ng mga pulis ang isang lalaki na suspek umano sa panggagahasa at pagpatay ng isang 16-anyos na dalagita sa bayan ng Tayabas sa lalawigan ng Quezon.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Jun Ryan Francia na taga-Barangay Ibabang Bukal, Tayabas City.

Photos by Pewee Bacuño
Photos by Pewee Bacuño

Salaysay ng mga awtoridad, wala pang isang linggo ang nakalilipas nang gahasain at patayin ang isang 8-anyos na batang babae sa Candelaria, Quezon, isang  16-anyos na dalagita na naman (na isang PWD) ang ginahasa, pinatay at itinapon sa masukal na bahagi ng Barangay Ibabang Bukal.

Ayon sa tiyuhin 16-anyos na biktima, nawala noong January 7, 2020 ang pamangkin na si Danica Necerio, na isa ring PWD (person with disability).

Sa pagtutulungan ng mga taga-barangay, nahanap noong January 10 sa isang masukal na lugar ang katawan ni Danica at wala nang saplot pang-ibaba. Nagsimula na rin umanong kainin ng mga uod ang katawan ng biktima.

Pahayag ng imbestigador ng Tayabas CPS na si Police Master Sgt. Aurelia Garcela, agad silang nagpatawag ng SOCO upang masuri ang lugar ng crime scene at upang matukoy kung ginahasa ang biktima.

Nagtamo ng saksak sa leeg si Danica at sinakal ito, na maaring dahilan sa pagkamatay nito. Ginahasa rin daw ang biktima.

Agad umanong na-identify ang suspek dahil may nakakita sa kanya na hila-hila ang biktima. Hindi naman daw ito pinansin ng witness dahil akala niya ay away lamang ng isang magasawa.

Agad na naaresto ng mga pulis ang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag. Ngunit umamin na umano ito sa ginawang krimen.

Ayon sa kapatid na panganay ng biktima na si Daniela, sana raw ay huwag patahimikin ang konsensya ng gumaha at pumatay kay Danica. Sana raw ay dumanas rin ito ng hirap at sakit na dinaranas nila ngayon. —LBG, GMA News