Walo katao—kabilang ang isang sanggol— ang sinagip nang mahulog sila sa ilog nang mapatid ang isang bahagi ng kable ng isang hanging bridge sa Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing lumambitin bago nahulog ang mga biktima nang mapatid ang isang bahagi ng kable ng tulay sa Kabankalan na may kalumaan na umano.

Ayon sa Kabankalan-Disaster Risk Reduction and Management Unit (DRRMO), posibleng hindi kinaya ng hanging bridge ang bigat ng mga tao na nanonood ng fluvial parade na kanilang bersiyon ng Sinulog festival.

Kaagad naman nasagip ang mga biktima na bahagyang nasugatan at isinugod sa ospital.

Ipinasara na muna ang nasirang tulay at nagbigay ng tulong pinansyal sa mga biktima ang lokal na pamahalaan. --FRJ, GMA News