Sugatan ang siyam na sakay ng isang pampasaherong van matapos nitong makasalpukan ang isang pick-up truck sa Maharlika Highway, Barangay Binahaan sa Pagbilao, Quezon nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa report ng Pagbilao Municipal Police Station, nangyari ang aksidente pasado alas-kuwatro ng hapon.
Galing sa bayan ng San Andres, Quezon ang van at patungo sana sa Lucena City habang patungo naman sa direksyon ng Bicol ang pick-up truck.
Dumulas daw sa highway ang gulong ng pick-up truck nang ito ay mag-preno kung kaya’t sumalpok ito sa kasalubong na van.
Sa tindi ng salpukan ay wasak na wasak ang unahan ng dalawang sasakyan.
Mabilis naman na na-rescue ang mga sugatang pasahero at nadala sa iba't-ibang pagamutan.
Malakas ang ulan sa lugar nang mangyari ang aksidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Pagbilao Municipal Police Station upang matukoy kung sino ang may pananagutan sa pangyayari. —KG, GMA News
