Isang sanggol na sandaling iniwan ng ina sa ward ng isang ospital sa Sta. Maria, Bulacan ang tinangay umano ng isang babae.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules,  sinabi ng ina ng sanggol na iniwan lang niya ang kaniyang anak sa ward para gumamit ng banyo.

Pero pagbalik niya, wala na ang kaniyang anak.

Kaagad daw siyang humingi ng tulong sa mga guwardiya ng hospital at
nahuli ang suspek na si Maria Sherlyn Salac na papalabas na ng ospital.

May nakita pa umano kay Salac na ilang gamit at pagkain na pambata kaya hinihinala ng mga awtoridad na posibleng miyembro siya ng sindikato.

Pero sabi ni Salac, walang nag-utos sa kaniya na gawin ang pagkuha sa bata.

Mahaharap si Salac sa kaukulang kaso.--FRJ, GMA News