Isang guro ang pinagtangkaang halayin ng isang lalaki na aminadong may kursunada sa biktima sa Laguna. Nang manlaban ang biktima, pinalo siya ng bote sa ulo at pinagsasaksak sa batok ng suspek.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita na sinugod ng biktimang elementary school teacher ang suspek na si Gino Baincairin nang makita niya ito sa himpilan ng pulisya.

Nagtamo ang biktima ng malalim na sugat sa ulo at batok, at saksak sa likuran matapos siyang paluin sa ulo ng bote ng softdrinks at pagsasaksakin ni Baincairin.

Ayon sa biktima, natutulog siya nang pasukin siya ng suspek sa kuwarto matapos na dumaan sa bintana ng kaniyang bahay.

Nang magising siya, dalawang beses siyang pinalo sa ulo ng bote. Pero nagawa pa rin niyang manlaban kahit ilang beses na siyang sinaksak sa likod ng basag na bote.

"Gusto ko lang makatakas po, kasi ayaw kong mamatay sir, ayoko din magalaw," anang biktima.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Eugene Junsay Orate hepe ng Sta. Rosa Police, nangarnap [carnap] pa ng tricycle ng suspek para makatakas.

"Nahuli po siya sa Balibago complex kung saan pasakay na po ng bus, nandyan po kasi ang ating mga terminal, doon natin siya naaresto," ayon sa opisyal.

Aminado ang suspek na isang buwan na niyang nakikita at kursanada
ang kapitbahay na biktima.

"Nagtangka ako na gahasain sa sobrang kalasingan ko po kaya ko nagawa yun," saad ni Baincairin. "Sana mapatawad ako kahit konti."

Mahaharap ang suspek sa reklamong attempted rape and frustrated murder.-- FRJ, GMA News