Nauwi sa trahediya ang pagbibiro ng isang binatilyo sa kaniyang kaibigan sa Pigcawayan, Cotabato. Ang biktima, biniro umano ng sakal ang kaibigan niyang suspek na gumanti naman ng suntok.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing naglilinis ng kanilang classroom ang 15-anyos na suspek at 17-anyos na biktima nitong Martes ng hapon.
Pero nang patapos na sila, pasakal daw na hinila ng biktimang si Jessie Pulpol ang kaibigan sabay paalam na uuwi na.
Ikinapikon daw ito ng suspek at sinuntok niya sa batok si Pulpol na biglang nanghina hanggang sa mawalan ng malay.
Isinugod si Pulpol sa school clinic pero kinalaunan ay dinala na sa ospital dahil sa malubhang kalagayan pero binawian din ng buhay.
Nasa kustodiya na ng social welfare department ang menor de edad suspek, na hindi nagbigay ng pahayag.
Nakapag-usap na raw ang mga magulang ng suspek at biktima.-- FRJ, GMA News
