Walang makikitang tao na ipapako sa krus ngayong Semana Santa sa Barangay San Pedro Cutud sa San Fernando, Pampanga.

Sa ulat ng GMA News TV Live nitong Miyerkules, sinabing nagpasya ang lokal na pamahalaan na ipagpaliban ang taunang pamamanata ng mga tao sa lugar at dinadayo pa ng mga dayuhan dahil na rin sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa kapitan ng barangay, bawal na rin munang pumunta sa kanilang lugar ang mga dayuhan sa Biyernes Santo na nais masaksihan ang mga namamanata doon.

Bagaman wala munang magaganap na pagpapapako sa krus, papayagan naman ang pagpepenitensiya ng mga residente at pagpasan ng krus.

Samantala, dahil pa rin sa pangamba sa COVID-19 ay kinansela ng PBA ang ilan nilang laro at mga nakatakdang aktibidad.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng PBA na kanselado muna simula sa Marso 11 ang ilan nilang mga aktibidad kabilang na ang Philippine Cup, D-League Aspirants Cup, at inaugural 3x3 tournament.

"Considering the present situation surrounding COVID-19 and the Presidential declaration of Public Health Emergency, it is our paramount duty and responsibility to ensure the health and safety of our fans, players, teams, officials and staff," saad sa pahayag.

“The league, however, will assess the effects of COVID-19 on a day-to-day basis guided by the parameters set by the DOH and WHO and will remain committed to conduct its games and activities in a safe and responsible manner for all its stakeholders," dagdag pa ng PBA. --FRJ, GMA News