Inaresto ang isang babae sa Bocaue, Bulacan matapos lumabag sa curfew nang gabihin siya sa paglabas mula sa pagpapa-rebond ng buhok, ayon sa ulat sa 24 Oras News Alert nitong Linggo.

Napag-alaman ng pulisya na ang perang ibinayad ng babae sa pagpapa-rebond noong Lunes ay galing pala sa social amelioration program ng Department of Social Welfare and Development.

Ang ayuda ay laan sa mga pamilyang naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Dinala sa presinto ang babae. Pinagsabihan siya na gamitin ang ayuda pambili ng pagkain. Pinauwi rin siya agad.

Dahil dito, nanawagan ang local na pamahalaan sa mga nakatanggap ng ayuda na gastusin ang pera sa tamang paraan. —Joviland Rita/LBG, GMA News