Arestado ang tatlong lalaking nagpanggap ng frontliners sa isang checkpoint sa Guiguinto, Bulacan, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kinilala ang tatlo na sina Julius Francisco at mag-amang  Andres at Roy Aldrin Marcolita.

Wala raw maipakitang ID ang tatlong lalaki na magpapatunay na frontliners sila. Tanging quarantine pass lang ang dala nila na hindi pa nakapangalan sa kanila.

Nahulihan din ng drogang nagkakalahaga ng P800,000 ang tatlo nang kapkapan ng mga pulis.

Aminado si Francisco na namomorsiyento siya sa mga nagpapabenta sa kaniya ng droga. Depensa naman ni Roy Aldrin ay nadamay lang siya habang hindi nagkomento ang kaniyang ama. --KBK, GMA News