Anim katao ang nasawi matapos magwala at mamaril ang isang dating sundalo sa Calbayog City, Samar. Ang suspek, patay din nang makipagbarilan sa mga rumesponding mga pulis.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na dalawa pang biktima ang nasugatan sa ginawang pamamaril ng suspek na kinilalang si Glen Balunan.

Dalawa sa mga biktima ay magkapatid na Carlo at Gary Saldana.

Ayon sa Provincial Director ng Samar Philippine National Police, nag-ikot pa sa kanilang lugar ang suspek para maghanap ng bibiktimahin.

"Kailangan niya pang umikot halos doon sa purok nila para maghanap ng mabibiktima niya. From their house, una niyang nabungaran 'yung apat. Tapos naglakad siya, may binaril ulit dalawa," sabi ni Colonel Andre Dizon.

Kilala umano sa kanilang lugar ang suspek na pinagmumulan ng gulo at lasing daw nang maganap ang pamamaril.

"Paglakad pa niya ulit sa susunod na kanto, may isa. Sa susunod na kanto, isa pa ulit. Sa susunod, isa pa. So marami po siyang nilakaran na kung sinong makita niya," dagdag ng opisyal.

Nasangkot na rin umano sa mga dating kaguluhan ang suspek.

"May incident diyan na nanaga siya ma'am at nu'ng walang inabutan na tao, pinagtataga niya mga sasakyan at mga tricycle. Ang record niya sa barangay is a troublemaker," sabi pa ni Dizon.

Nang dumating ang mga rumespondeng pulis, sa halip na sumuko ay nanlaban umano si Balunan kaya pinaputukan na rin siya ng mga awtoridad na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pagwawala ni Balunan.--FRJ, GMA News