Isang 77-anyos na lola sa Rodriguez, Rizal na gumagamit ng tungkod dahil na-stroke ang napilitan nang mamalimos para mabuhay matapos na hindi makatanggap ng ayuda sa gobyerno.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni lola Esther Vargas, na nawalan ng hanapbuhay ang kaniyang anak nang ipatupad ang community quarantine dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

At dahil hindi rin siya kasama sa mga nakatanggap ng pinansiyal na ayuda sa pamamagitan ng Social Amelioration Program (SAP), wala na siyang magawa kung hindi ang manglimos ng tulong.

"Kung hindi ako mamalimos, wala akong kakainin," saad niya. "Maysakit ako, mild stroke. Kaya ako nagtutungkod."

Hindi na niya napigilang maging emosyonal nang mabanggit ang hirap ng kaniyang buhay.

"Panginoon, bahala na. Nag-iintay na lang ako ng kamatayan ko," sabi niya.

Kabilang ang mga nakatatanda sa mga residente ng Rodriguez na nagtutungo sa munisipyo sa pag-asang makakakuha sila ng ayuda.

Ilan sa mga nakatatandang naiulat sa "24 Oras" ang pinagdaanan ang nakatanggap ng ilang tulong sa mga taong hindi nila kilala. —FRJ, GMA News