Natagpuang patay sa loob ng kulungan nitong Linggo ang suspek sa pagpatay kay Christine Lee Silawan, ang dalagitang pinagsasaksak at binalatan pa ang mukha sa Cebu noong nakaraang taon.

Batay sa nakuhang impormasyon mula kay Central Visayas police chief Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro nitong Lunes, sinabing walang malay na nakita ng kapwa preso sa palikuran ng infirmary cell  ng Lapu-lapu City Jail, ang suspek na si 44-anyos na si Renato Llenes.

Isinugod pa  si Llenes sa Lapu-Lapu City District Hospital pero idineklara siyang dead on arrival ng duktor.

Hindi pa binanggit ang dahilan ng pagkamatay ng suspek.

Una rito, inamin ni Llenes na siya ang pumatay kay Silawan, na nagtamo ng mga saksak sa katawan, ginilitan at tinalupan pa ang mukha.

READ: PAO forensic expert: Christine Silawan, ginahasa at ginamitan ng asido para tuklapin ang mukha

Nakipagkilala umano siya sa biktima sa pamamagitan ng paggamit ng fake Facebook account.

Nakita ang bangkay ni Silawan sa isang bakanteng lote sa Brgy. Bankal, Lapu-Lapu City noong March 2019.--FRJ, GMA News