Inihayag ng Bangsamoro Inter-Agency Task Force (BIATF) nitong Huwebes na mayroong 72 kaso ng COVID-19 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Kabilang umano sa mga nagpositibo sa virus ay mga natulungan ng Hatid Probinsya Program ng pamahalaan.

Ayon kay Mohd Asnin Pendatun, tagapagsalita ng BIATF, nitong Miyerkules at Huwebes ay mayroon pitong panibagong kaso ng COVID-19 na kinabibilangan ng locally stranded individuals (LSIs) at returning overseas Filipino workers (ROFs).

“These new cases are three LSI in Lanao del Sur, three returning OFWs in Maguindanao and just today, one LSI from Maguindanao was added to our list of confirmed cases,” sabi ni Pendatun sa pahayag.

Sa ngayon, 72 na umano ang kaso ng COVID-19 sa BARMM, at 56 sa mga ito ang active cases, 12 ang gumaling at apat ang nasawi.

Iniuugnay naman ni Health Minister Dr. Saffrullah Dipatuan ang pagtaas ng kaso ng virus sa rehiyon dahil sa LSIs at ROFs.

Dahil dito, kailangan umano ang tamang koordinasyon sa mga nagbabalik-probinsiya. Mayroon din umanong lumalabag sa quarantine at travel protocols.

“We appeal to everyone, especially those who travel by land to pass through the protocol, you can’t just go back to your communities without coordination with the LGUs,” pakiusap ni Dipatuan.

Nitong Huwebes, mayroon umanong 150 LSI na nakauwi sa kanilang mga komunidad. Mananatili naman sa modified general community quarantine hanggang sa katapusan ng Hunyo, ayon sa BIATF. — FRJ, GMA News