Patay sa sunog ang isang mag-lola sa bayan ng Alabel sa lalawigan ng Sarangani.

Iniulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkules na natagpuan ang bangkay ng 12-anyos na si Jasper Aniñon sa may pintuan palabas ng bahay, ayon sa mga taga-Bureau of Fire Protection.

Natagpuan na man ang 60-anyos na lola na si Milagros Aniñon na hindi na nakaalis sa tinutulugang kama.

Ayon sa mga kapitbahay, madaling-araw noon at nagising na lamang silang nilalamon na ng apoy ang bahay ng mag-lola.

Short circuit ang pinaghihinalaang dahilan sa sunog dahil nakikikabit lang umano ng kuryente ang mag-lola, ayon sa mga kapitbahay. —LBG/RSJ, GMA News