Dalawang delivery rider ang nabiktima ng isa umanong online scammer sa Malolos, Bulacan, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Ayon sa pulisya, gumamit ng dummy account ang scammer para makapangbiktima kung saan ang modus niya ay maghahanap ng rider at pagkatapos ay magkikita sila sa isang lugar upang iabot ang mga ipapa-deliver niya.

Aabonohan daw ng rider ang bayad na mula P1,000 hanggang P3,000 para sa paninda at saka na lang sisingilin ang paghahatiran. Pero kapag tinawagan na raw ang dapat sana'y paghahatiran ng gamit ay wala nang sumasagot.

Nang balikan daw ng riders ang account na nagpanggap na seller ay naka-block na sila.

Mga sapatos, relo, kaha ng CD at cable ang laman ng mga paketeng ipina-deliver ng umano'y scammer.

Nakipag-selfie pa raw ang isa sa mga rider sa suspek pero hindi muna ipinakita ang kaniyang pagkakakilanlan sa ulat hanggang wala siyang panig.

Naidulog na ang insidente sa pulisya. —KBK, GMA News