Dead on arrival sa isang pagamutan sa Lucena City ang driver ng SUV na sumalpok sa isang 10-wheeler delivery van sa Diversion Road ng lungsod pasado alas-dies ng umaga nitong Sabado.
Ligtas naman at nagtamo lamang ng minor injuries ang driver at pahinante ng delivery van.
Nasa kustodiya na ng Lucena City Police Station ang driver ng delivery van.
Bago ang insidente, nakunan pa ng dashcam ng sasakyang sumusunod sa van ang buong pangyayari.
Kuwento ng uploader ng video na si Henry Magboo, sinusundan niya ang ten-wheeler delivery van kanina habang siya ay patungo sana sa Gumaca, Quezon nang mangyari ang salpukan.
Makikita sa video na nagpagewang-gewang muna ang SUV bago sumalubong sa linya ng delivery van. Sa lakas ng pagsalpok ay napaikot pa ang SUV.
Wasak ang kanang bahagi at unahan ng SUV at tumilapon rin ang ilang parte ng sasakyan tulad ng tambutso.
Wasak din ang unahang bahagi ng truck.
Ayon pa sa uploader huminto siya at tumulong sa biktima na nag-iisa lamang sa sasakyan.
Sugatan at walang malay ang driver ng SUV nang i-rescue ito. Agad itong naisugod sa pagamutan.
Posibleng dahil sa madulas na kalsada dulot ng pag ulan ang sanhi ng aksidente. —LBG, GMA News


