Natagpuang nakahandusay sa highway ang matandang pasahero ng isang van na pinaghinalaang  nahulog sa sasakyan.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa bayan ng Las Nieves, Agusan del Norte.

Kuwento ng driver ng van, padating na sila sa Butuan City nang mapansin niyang nawawala ang kanyang sakay.

Bumalik umano siya at pagdating niya sa national highway nakita niyang nakahandusay sa kalsada at duguan ang matandang babaeng pasahero na isa ring locally stranded individual (LSI).

Ideneklarang dead on arrival sa Butuan Medical Center ang matanda.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung nahulog o tumalon ang biktima mula sa van. —LBG, GMA News