Isang 48-anyos na lalaki ang inaresto matapos siyang ireklamo ng kaniyang 17-anyos na babaeng kapitbahay ng pangmomolestiya sa Calasiao, Pangasinan. Ang biktima, inalok pa raw ng suspek ng P500 para pumayag na makipagtalik.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ng biktimang itinago sa pangalang "Pamela," na inutusan siya ng suspek na linisin ang bahay nito.

Pero nang nasa bahay na raw ang biktima, bigla siyang sinunggaban ng suspek at hinawakan sa maseselang bahagi ng katawan.

Ayon naman sa pulisya, lumitaw din sa imbestigasyon na inalok pa umano ng suspek ang biktima ng P500 kung papayag na makipagtalik sa kaniya.

Pero natakot ang biktima at nagsumbong sa kaniyang ina.

Inireport naman ng mag-ina ang insidente sa mga awtoridad na kaagad na kumilos kaya dinakip ang suspek.

Bagaman inamin ng suspek na nakainom siya nang mangyari ang insidente, itinanggi niyang hinawakan niya ang maseselang bahagi ng katawan ng dalagita.

Galit na galit naman ang ina ng biktima sa suspek at desidido siyang ituloy ang reklamo laban sa kapitbahay upang hindi na umano ulitin ang ginawa kay Pamela.--FRJ, GMA News