Nahuli-cam ang salpukan ng isang babaeng rider at isang tricycle sa Cabuyao, Laguna. Ang dalawa, pareho umanong magka-counterflow.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha sa dashcam ng isang sasakyan na nakatigil dahil hindi umuusad ang trapiko.

Maya-maya lang, nahuli-cam na ang pagdaan ng babaeng rider na nag-counterflow.

Pero bago pa siya makalayo, bigla siyang sinalpot ng isang tricycle na lumabas din sa linya ng kalsada na hindi umuusad ang trapiko. 

Patagilid na natumba ang babaeng rider na mayroon namang suot na helmet.

Hindi siya kaagad nakatayo kaya tinulungan siya ng tricycle driver na nakabangga sa kaniya.

Nagkaareglo naman daw ang babaeng rider at tricycle driver.--FRJ, GMA News