Dahil nangangamba sa kanyang buhay, sumuko kay Quezon Police Provincial Director, Pol Col. Audie Madrideo ang driver na si Jessie Asesor, 48-anyos ng Mayao Crossing, Lucena City, Quezon.

Kasama ni Asesor si Gemi Formaran, Pangulo ng Camp Nakar Press Corps.

Si Asesor ay tumakas matapos siyang makasagasa sa Tiaong, Quezon noong October 3, 2020.

Ayon Col. Audie Madrideo, minamaneho ni Asesor ang isang van nang mabangga nito ang isang motorsiklo na minamaneho naman ng isang sundalo na kinilalang si Corporal Arnel Ricamara sa Maharlika Highway, Lusacan, Tiaong, Quezon.

Nasawi ang sundalo na nagtamo ng matinding head injury at tama sa mga paa nito. Dead on arrival sa pagamutan ang biktima.

Ayon kay Jessie Asesor, tumakas raw siya matapos niyang mabangga ang sundalo dahil sa takot na kuyugin sya ng mga tao sa lugar.

Sumuko raw siya dahil natatakot siya at nakusensya.

Humihingi ng tawad si Asesor sa pamilya ng nasawing sundalo na nakatakdang ilibing sa Linggo.

Tumangging magbigay ng pahayag sa ngayon ang mga kaanak ng nasawing sundalo.

Hawak ng Tiaong Municipal Police Station si Asesor at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property. —LBG, GMA News