Patay ang 36-anyos na driver matapos sumalpok sa poste ang minamaneho niyang sasakyan sa Dagupan City, Pangasinan. Ang insidente, nahuli-cam.

Sa ulat ni Kim Guevarra sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV na mabilis at pagewang-gewang ang takbo ng truck sa Perez Boulevard hanggang sa sumalpok sa isang poste at dumiretso sa pader ng isang bus terminal.

Mabuting hindi nahagip ng truck ang isang tricycle na nag-iisa niyang kasabay sa kalye nang mangyari ang insidente.

Nadala pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Police Lieutenant Erwin Dopiawon, Chief Investigation Officer, Dagupan City, na maaaring inaantok o wala sa kondisyon ang biktima habang nagmamaneho.

Patuloy ang kanilang imbestigasyon sa nangyari.--FRJ, GMA News