Hindi na raw mabilang ng isang 14-anyos na babae kung ilang beses siyang pinagsamantalahan ng kaniyang amain sa Rosales, Pangasinan. Ang ina naman ng biktima, sinabing pumayag daw ang anak na patawarin ang suspek, bagay na itinanggi ng dalagita.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabi ng biktima na ginagawa ng kaniyang amain ang kahalayan sa kaniya tuwing wala ang kaniyang ina sa bahay.

Hindi raw siya makapagsumbong dahil tinatakot siya ng amain na baka mapatay siya mismo ng kaniyang ina kapag nalaman ang nangyayari sa kanila.

Pero nagawa na ng biktima na makapagsumbong at inaresto ng mga awtoridad ang suspek.

Pero sabi ng ina, umamin daw sa kaniya ang anak na ginusto nila ng suspek ang nangyari.

Napagkasunduan daw nilang mag-ina na patawain na lang ang suspek, bagay na itinanggi naman ng dalagita.

Sabi pa ng ginang, humingi raw ng tawad sa kanilang mag-ina ang suspek at nakiusap na bigyan siya ng isa pang pagkakataon para maitama ang nagawang pagkakamali.

Sa piitan, inamin ng suspek ang kasalanan na nagawa raw niya dahil natukso siya at nakainom ng alak.

"Naalimpungatan ako kaya nagawa ko rin 'yon," anang amain. "Tapos nakainom din ako nang kaunti ng alak kaya nagawa ko rin yung hindi maganda."--FRJ, GMA news