Bangkay na nang matagpuan ang apat na katao, kabilang ang tatlong menor de edad matapos silang malunod sa ilog sa Biñan, Laguna. Ang isa sa mga biktima, maghahatid sana ng sinagutang module.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabing ang mga menor de edad ay isang babaeng 15-anyos, 13-anyos niyang kapatid, at isa pang babaeng anim na taong gulang.

Maghahatid lang sana ng modules ang grupo pero hindi na sila nakabalik.

ADVERTISEMENT

Dahil dito, hinanap sila ng mga awtoridad pero sunod-sunod silang natagpuan na wala nang buhay.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes ng gabi, sinabing ang 22-anyos na si Mark Atienza ang maghahatid ng module.

Kasama niya ang tatlo niyang pinsan na sina Mary Incomio, 13, Angel Incomio, 15, at Jasmin Baguio, 6.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi Police Lieutenant Vanni Martinez, hepe ng Biñan Police, na may nakakita pa umano sa grupo at nakasakay si Jasmin sa casing ng sirang refrigerator na ginawang balsa dahil baha pa rin sa lugar.

Posible umano na lumakas ang agos ng tubig papuntang lawa ng Laguna at tinangay si Jasmin, at maaaring tinangkang sagipin ng tatlo.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon at nangako ang lokal na pamahalaan na sasagutin ang pagpapalibing sa mga biktima.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News