Sa halip na kumain, sa inuman umano dinala ng kaniyang nobyo ang isang 15-anyos na babae sa Licab, Nueva Ecija kung saan naghihintay ang dalawa pang suspek. Nang malasing ang biktima, nagsalitan na ang mga ito na pagsamantalahan siya.

Ayon sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Nathaniel Dela Cruz, 19-anyos; Joseph Esguerra, 22, at Francis Ngangac, 24.

Sinabi ni Police Captian Lauro Ador Puno, OIC-Licab Police Station, positibong kinilala ng biktima ang mga suspek.

Sa imbestigasyon, lumitaw na sinundo umano ang biktima ng kaniyang nobyo na si Dela Cruz para daw kumain.

Pero sa halip na sa kainan, dinala ang biktima sa isang bahay kung saan nag-iinuman ang dalawa pang suspek at pinainom din ang dalagita.

Nang malasing ang biktima, dinala siya ng nobyo sa isang kuwarto at doon na pinagsamantalahan. Sumunod na umano ang dalawa pang suspek.

Sa resulta ng pagsusuri ng medico legal, lumabas na positibong ginalaw ang biktima.

Aminado naman si Dela Cruz na nobya niya ang biktima pero itinanggi niya ang mga paratang laban sa kaniya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang dalawa pang suspek.

Ayon kay Puno, mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 8353 (Anti-Rape Law Republic) in relation to Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).--FRJ, GMA News