Inaresto ang isang 62-anyos na lolo matapos siyang ireklamo ng panghahalay ng kaniyang 16-anyos na apo sa Rosales, Pangasinan. Ang suspek, may inamin sa ginawang krimen.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabi ng pulisya na nagtungo sa kanilang tanggapan ang biktima at magulang nito para ireklamo ang kanilang kaanak na lumapastangan sa dalagita.

Nang puntahan umano ng mga awtoridad ang lugar, itinuro ng biktima ang kaniyang lolo na itinago sa pangalang "Federico" ang ilang beses umanong humalay sa kaniya.

Kaagad namang dinakip at dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek na umamin sa ginawang pagsasamantala sa apo.

Pero paliwanag niya, hinawakan lang niya ang maseselang bahagi ng katawan ng biktima.

Labis daw niyang pinagsisisihan ang kaniyang nagawa.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang biktima at kaniyang mga magulang.

Sasampahan naman ng kaulang reklamo ang suspek.--FRJ, GMA News