Nasawi ang isang 75-anyos na lalaki na tumawid sa Maharlika Highway matapos siyang mabundol ng isang van sa Milaor, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Salvador Paradela, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, biglang tumawid si Paradela sa madilim na bahagi ng naturang highway bago ang insidente.

Sinabi ng mga pulis na nagkaareglo na ang pamilya ng biktima at driver.

 

Sa Lipa, Batangas naman, tumilapon ang isang lalaking tumawid sa Claro M. Recto Avenue matapos mahagip ng motorsiklo.

Sa kuha ng dashcam, makikita ang mabagal na takbo ng mga sasakyan dahil sa matinding trapiko.

Ilang saglit pa, tumawid ang isang pedestrian, pero agad siyang nabundol ng dumaang motorsiklo.

Tumilapon ang biktima sa gilid ng kalsada.

Sinabi ng may-ari ng video na tinulungan naman ng rider na makatayo ang biktima. —BG, GMA News