Napatay sa pakikipagbarilan umano sa mga pulis ang alkalde ng Calbayog City, Samar na si Ronaldo Aquino.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing bukod sa alkalde, nasawi rin ang kaniyang driver at security escort.

Isa pang pulis ang nasawi, at isa naman ang nasugatan.

ADVERTISEMENT

Sa imbestigasyon, sakay ng van ang alkalde at mga kasama at inakala nilang sinusundan sila ng isa pang sasakyan.

Pinaputukan umano ng grupo ng alkalde ang mga sakay ng nakasunod na sasakyan na mga pulis pala.

Gumanti ng putok ang mga pulis na naging dahilan ng pagkamatay ng alkalde at tatlong iba pa.

Sa Facebook post ni Samar Representative Edgar Mary Sarmiento, sinabi nito nangyari ang insidente sa Laboyao Bridge sa Barangay Lonoy.

Natadtad umano ng bala ang van ni Aquino.

Sa hiwalay na ulat ng Super Radyo dzBB, sinabing iniutos ni PNP chief Police General Debold Sinas sa regional police office ng Eastern Visayas na imbestigahan ang insidente.-- FRJ, GMA News