Dalawang lalaki ang nasawi matapos silang ma-suffocate sa loob ng isang balon sa Agno, Pangasinan.  Ang isang biktima, sumaklolo lang sa kaniyang kapitbahay na siyang naglilinis sa balon.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na si John Edward Apostol, 34-anyos, at Hector Caducio, 52, kapwa taga-Barangay Dangley.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na napansin ni Apostol na madumi ang balon na pinagkukunan ng tubig ng mga residente kaya naisipan niyang linisin ito.

Makipot lang ang balon na tinatayang walong talampakan ang lalim.

Pero habang nasa loob, nahirapan umanong huminga si Apostol kaya humingi ito ng tulong.

Sumaklolo naman si Caducio pero siya man ay nahirapan na ring huminga sa loob.

Hindi rin naging madali na makuha ang mga biktima sa balon at dead on arrival na sila nang dalhin sa ospital.

Naniniwala naman ang pulisya na walang foul play sa nangyaring trahediya sa balon.--FRJ, GMA News