Itinatapon na lang sa gilid ng highway ang ilang gulay na hindi nabibili at madaling mabulok dulot ng mga pag-ulan sa Benguet.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabi na ilang gulay na hindi nabibili sa La Trinidad Trading Post ang itinatapon sa bahagi ng Kilometer 20 sa Tublay, Benguet

Ipinakita rin ang nag-viral na larawan sa social media na itinatapon ang napakaraming patatas na sakay sa jeepney.

Dismayado ang mga magsasaka sa nangyayari dahil sa pagkalugi.

Nagiging pahirapan daw ang pag-ani ng patatas dahil sa pag-ulan, at hindi nabibili kapag basa dahil madali nang masira

Paglilinaw ni Agot Balanoy, ng Benguet Farmers Association, hindi presyo ang dahilan kung bakit itinapon ang mga patatas.

"Basa kasi, nalusaw kaya hindi na binili ng mga buyer," paliwanag niya.

Sapat naman daw ang suplay ng gulay sa Benguet pero kakaunti ang namimili at problema rin ang limitadong bagsakan sa Metro Manila lalo na ngayon na mas mahigpit ang community quarantine restrictions.

Sinabi naman ng opisyal sa Department of Agriculture-Cordillera, na ang atrasadong pagbiyahe sa mga produkto ang dahilan kaya madaling mabulok ang mga gulay.

Kaya naman hinimok nila ang mga magsasaka na dalhin agad sa mga pamilihan ang mga naaning produkto.

Mayroon din umanong programa ang ahensiya para matulungan ang mga magsaaka na maibiyahe kaagad ang kanilang mga produkto.--FRJ, GMA News