Patay ang isang babaeng overseas Filipino worker matapos magtamo ng aabot sa 50 saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan na kagagawan umano ng kaniyang kinakasama sa Sipalay City, Negros Occidental.

Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Enelisa Petua, 30-anyos.

Naaresto naman at nakakulong ang suspek na si Jhondad Sase.

Napag-alaman na nagtrabahong OFW sa Saudi Arabia si Petua at kauuwi lang sa bansa ngayong Enero.

Ayon kay Police Major James Latayon, hepe ng Sipalay Police station, matinding selos ang lumilitaw na motibo sa krimen.

Lasing umano si Sase nang bumili ito ng kutsilyo at pinuntahan ang biktima sa tinutuluyang boarding house.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa nang komprontahin ni Sase si Petua na mayroon umanong ka-chat na dayuhan.

Ang komprontasyon, nauwi sa malagim na krimen matapos pagsasaksakin ni Sase ang biktima.

Humihingi ng patawad si Sase sa kaniyang nagawa lalo na sa dalawang anak nila ni Petua.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na sampahan ng kaso si Sase. --FRJ, GMA News