Isang 15-anyos na binatilyo na tumatakas mula sa mga kumuyog at sumaksak sa kaniya ang nabundol pa ng motorsiklo sa Sampaloc, Maynila. Ang lalaking nanaksak na menor de edad din, isinuko sa barangay.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente sa G. Tuazon Street noong Linggo.
Sa isang cellphone video, mapanonood ang galit na driver ng motor na biglang sinakal ang lalaking nakaitim, matapos matumba ang kaniyang sasakyan nang biglang tumawid sa kalsada ang binatilyong nakaitim.
Kalaunan, natuklasang may saksak sa katawan ang binatilyo matapos tumakas sa pagkuyog sa kaniya.
Bago masalpok ng motorsiklo, makikita sa CCTV ang biktima na kinukompronta ng tatlong lalaki na mga kapwa niya menor de edad.
Ilang saglit pa, bigla na siyang tinadyakan at ilang beses sinuntok ng lalaking nakaputing sando habang tumulong na rin ang iba pa.
Hanggang sa sinaksak na rin siya sa braso ng isang lalaking nakapulang hoodie na may hawak na patalim.
Hinabol pa ng mga nanggugulpi ang biktima, pero nakatakbo ito kaya siya nabundol ng motorsiklo.
Tumakas ang mga nanakit na menor de edad, habang dinala sa ospital ang biktima.
Ayon sa Ex-O ng Barangay 546, isinuko sa kanila ang lalaking nanaksak na anak umano ng isa sa kanilang mga tanod.
“Pinuntahan namin, nakita namin talagang nandu’n sa kanto. Nakaalerto naman kami ‘pag may away,” sabi ni Ex-O Fortunato Bermudez ng Barangay 546.
Samantala, hindi na mahanap ang ibang kasama ng lalaking nanakit na mga dayo lang umano sa lugar.
Sinabi ng nanay ng lalaking nanaksak na inilahad ng kaniyang anak na naunang nanakit ang biktima.
“Marami rin ang sabi na parang gumanti lang po ang aking anak dahil po pinagsasampal, marami po nakakita. Hindi ko lang ho alam sir kung kailan nangyari ‘yon, kung ilang weeks o ilang days,” sabi ng ina ng lalaking nanaksak.
Ang ina, umaming ilang beses nang naipabaranggay ang kaniyang 15-anyos na anak dahil sa pakikipag-away.
Humingi ng paumanhin sa biktima at mga magulang nito ang ina ng menor de edad na nanaksak.
Sinagot naman ng nakabundol na motorcycle rider ang pagpapagamot sa biktima na nakalabas na ng ospital.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
