Inaresto ng mga awtoridad ang nasa 200 katao, kabilang ang mayor ng Ferrol, Romblon, dahil sa pagsasabong na bawal sa mga lugar na nasa Alert Level 3 ng COVID-19 pandemic.
Kinilala ng pulisya ang naarestong mayor na si Jovencio Mayor Jr., na nasa loob umano ng Tubigon Square Garden Cockpit Arena noong Linggo sa bayan ng Ferrol, nang isagawa ng mga awtoridad ang pagsalakay.
Ayon sa Police Regional Office Mimaropa, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya tungkol sa ilegal na operasyon ng sabungan kaya isinagawa ng mga tauhan ng CIDG-Romblon, Ferrol MPS, at Romblon Provincial Mobile Force Company, ang pagsalakay sa lugar.
Naaktuhan ng mga tauhan ng pulisya ang pasabong na paglabag sa IATF Resolution No. 159-A series of 2022 and Cockfighting Law of 1974 as amended by Presidential Decree 1602.
Sa naturang kautusan, bawal ang sabong sa lugar na nakapailalim sa Alert Level 3, na umiiral sa Romblon.
Nakuha sa lugar ang mga pera, gambling paraphernalia, at mga manok na buhay at pati na mga patay matapos sumabak sa laban.
Dinala ang mga naaresto sa compound ng Romblon Provincial Mobile Force Company at doon prinoproseso ng pulisya.
Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, sasampahan ng kaukulang reklamo ang lahat ng naaresto sa sabungan.
“It is unfortunate that an elected official was among the arrested violators, but we are just acting on reports with careful monitoring. It will be up for the prosecutor to appreciate the evidence,” ani Carlos.
Sa isang pahayag, pinuri ni Police Brigadier General Sidney Hernia, Regional Director ng Police Regional Office Mimaropa, ang CIDG at mga kasama nitong PNP units dahil sa ginawang pagsalakay.
“May this serve as a stern warning for other elected officials and illegal gamblers that MIMAROPA police will enforce the law without fear and favor,” pahayag nito.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang alkalde ng bayan ng Ferrol kaugnay nito.
—Paul Jaysent Fos/FRJ, GMA News