Patay ang isang retiradong pulis matapos sumalpok sa papalikong pick-up truck ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Urdaneta City, Pangasinan. Sa lakas ng banggaan, nagliyab ang motosiklo.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Norman Coronia, residente sa Baguio City.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pick-up truck na papaliko sa Barangay Nancayasan nang biglang sumalpok ang motorsiklo ng biktima.
Kaagad na nagliyab ang motorsiklo habang tumilapon naman ang biktima, na hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Ayon sa pulisya, galing sa Tarlac ang biktima matapos na dumalo sa ride for a cause at pauwi na nang mangyari ang insidente.
Tumangging humarap sa camera ang kaanak ng biktima pero desidido umano ang pamilya na sampahan ng reklamo ang driver ng pick-up.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang naturang driver. --FRJ, GMA News

