Nauwi sa disgrasya ang karera ng dalawang kotse sa Cagayan nang araruhin ng isang sasakyan ang mga taong nanonood sa gilid ng kalsada.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing tatlo katao--kabilang ang dalawang menor de edad--ang nasaktan sa naturang insidente na naganap sa Baggao, Cagayan.

Nasa maayos na umanong kalagayan ang tatlong nasaktan.

Giit ng konseho ng bayan, bawal ang drag race sa Baggao. Pero ayon sa pulisya, idinahilan ng mga sangkot sa insidente hindi naman daw talaga sila nagkakarera.

"Itong mga pulis, walang kamalay-malay din na magkakaroon ng drag race. Pero actually, hindi naman drag race ito, kung hindi, sinubukan lang daw nila 'yong kanilang sasakyan kung gaano ito kabilis tumakbo," ayon sa Cagayan Police PIO Police Captain Isabelita Gano.

Nakita naman sa CCTV footage na mayroon isang pulis na nasa lugar ng karerahan na kinuwestiyon ng konseho.

"Ang paalam lang daw po 'di umano nila ay magkakaroon lamang po ng parade, wala na raw pong ipinagpaalam na iba. Walang knowledge ang PNP regarding this kasi walang pinaalam sa kanila. Kumbaga, itong pulis na nakita sa video, permanent na area niya. Patrol kasi 'yong ginagawa nila," ayon kay Gano.

Sinasabing "market day" nang mangyari ang insidente kaya may nakabantay na pulis sa lugar, paliwanag ng PPO.

Nais ng konseho ng Baggao na makunan ng pahayag ang hepe ng kapulisan ng bayan at traffic management group.

--FRJ, GMA News